Sunday, January 1, 2012

Gunaw (The Comeback Blog Post)

Sabi raw ng Mayan calendar, magugunaw na ang mundo this year. Sa December 21 to be exact. Sa pagkatanda ko sa World History (self-study lang dahil walang dulot ang guro), sila rin ‘yung sibilisasyon na nagpa-practice ng human sacrifice. I guess may pagka-nihilist talaga itong mga sinaunang taong ito.

Wala naman silang sinabi kung paano magugunaw ang mundo. Sabi sa isang article sa Yahoo! UK, meron daw tayong five choices:

(a) tatamaan ang Earth ng isang higanteng asteroid a la ‘Armageddon’ (Kakanta rin ba ang Aerosmith ng “I Don’t Wanna Miss A Thing”? O kaya si Anne Curtis?)

(b) solar storms (Pang-matalino)

(c) pole shift (Magpapalit daw ng posisyon ang North Pole at South Pole. Change address si Santa Claus?)

(d) malalakas na pagsabog ng bulkan

(e) global warming (Masyado na raw tayo nag-iinit.)

Kung ako ang papapiliin, ang sagot ko ay: (f) None of the Above. Although mukhang may scientific basis naman itong options natin for gunaw, hindi pa rin benta sa akin itong hula ng mga Mayan. Hindi rin kasi ako naniniwala sa mga hula. Tingnan mo si Zenaida Seva, palaging napakageneric ng mga hula. Uunlad ka kung magtatiyaga ka (natural!), mapapanganib ka kung di ka mag-iingat (natural!), may mga trahedyang darating sa bansa ngayong taon (natural!!!). Mas naniniwala pa ako sa braids ni Zenaida Seva kesa sa mga hula niya. Pero at least may disclaimer siya palagi sa huli: “Hindi hawak ng mga bituin ang ating kapalaran. Gabay lamang sila. Meron tayong free will. Gamitin natin ito.”

Tsaka ang dami na ring pagkakataon na sinabing magugunaw ang mundo pero hindi naman natuloy. Nag-expect at nagmukhang tanga lang ang mga tao. Halimbawa noong 2000. Ginunaw lang ng “I Love You” virus ang mga computer natin, pero hanggang doon lang. Naluklok pa rin naman si Arroyo sa pwesto isang taon pagkatapos ng false gunaw alarm. Sa bagay, parang ginunaw na rin niya ang Pilipinas at mga institusyon nito sa nine years niya sa pwesto. Sumakit tuloy ang leeg ngayong 2011.

Pero sakaling totoo man, eh di bring it on. Eenjoyin ko na lang ang less than 12 months na natitira ng Earth sa solar system. At least makakabalik pa ang season 2 ng The Walking Dead, makakakuha pa ako ng tips kung sakaling zombie invasion ang ikagugunaw ng mundo. Aaliwin ko na rin lang ang sarili ko sa pag-cover ng impeachment trial ni Corona. Para ka na ring nanood ng circus.

Basta ngayong taon, sundin na lang natin ang payo ni Jay Sean: “Live like it’s the end of the world.” Para kung sakaling tamaan man tayo ng asteroid o sabugan ng bulkan, masaya tayong lulutang bilang abo sa outer space. Hindi na rin masama.


0 comments: