Friday, February 10, 2012

Impeachment

Habang naglalakad ako pauwi sa bahay kagabi, may nadaanan akong mga lalaking nag-iinuman. Ang topic ng mga kwentong-lasing nila: ang impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona.

Habang hinihimas nung isang kuya ang malaki niyang tiyan, very eager niyang dinidiscuss kung paanong ang trial daw ni Corona ay trial na rin ni dating Pangulong Arroyo. Kesyo appointee raw ni Arroyo si Corona. ‘Yung isang kuya naman na mukhang puyat, ikinompare and contrast naman ang paglilitis kay Corona sa trial ni dating Pangulong Estrada noong 2000. Mas exciting daw ‘yung kay Erap, sabi niya.

Sa isip-isip ko lang: ganito na pala ka-profound ang mga inuman sa kanto ngayon. Ang mga sunog-baga pala ngayon ay may social and political awareness na. O baka naman wala silang choice dahil bago pa sila makapanood ng mga kumekendeng na dancers sa “Wil Time, Big Time” o ng kung anu-anong pakulo ni Big Brother, bubugbugin muna sila ng mga balita tungkol sa paglilitis na ito.

Makikitagay sana ako pero ako man, bugbog na sa dami ng detalye na isinusulat ko mula Lunes hanggang Huwebes tungkol sa trial. Ito rin ang dahilan kung bakit ang tagal kong hindi nakapag-blog. Naging 2 o’clock ko na ang pagmasdan ang mad scientist look ni Justice Cuevas, na pinagmumukhang high school debate team ang prosecution sa dami ng uri ng objections na alam niya. Ang dami niyang alam na uri ng objections: leading question, vague, irrelevant, impertinent, immaterial. 'Yung "Objection" kaya ni Shakira, alam din niya?

Parang lolo na rin ang turing ko kay Manong Johnny sa ngayon. Feeling ko rin law student sa isang class kung saan ang propesora ay si Senator Miriam. Dahil sa kanya, pamilyar na ako sa legal terms tulad sui generic at colloquy. At natututo rin ako sa kanya ng anger management.

Marami rin akong natututunang technique kung ano ang gagawin ko kapag mayaman na ako. Una rito, bibili ako ng condo na sinira ng bagyo para makakuha ako ng milyun-milyong discount. Ipapaconvert ko na rin ang savings ko sa dolyar, para sa gayon, kung magkaipitan, walang pakialaman.

Gusto ko muna hintayin ang mga argumento ng depensa bago ako manghusga. Alam kong kayang-kaya ni Justice Cuevas iyan dahil spark pa lang yata ako sa mga mata ng mommy at daddy ko eh nakikipagdebate na sya sa korte. Para rin hindi masayang ang precious time ng senator-judges lalo na si Leon Guerrero at ng publiko, sana mas ayusin pa ng prosekusyon ang pagpresenta ng ebidensya. Sana less na rin ang pagba-buckle at pagsabon sa kanila ni Senator Miriam.

Sana pagkatapos ng lahat, 'yung impeachment trial, hindi lang maging parang isang inuman session. Ang daming satsat, bangayan at kwentong walang kwenta. Pero sa huli, isusuka lang din natin at gigising na lang tayo isang umaga upang harapin ang isang bansang wala namang pinagkaiba.

Monday, January 2, 2012

At A Loss


Sabi ng UST, “at a loss” daw sila kung paano sasagutin ang report ng www.rappler.com (na later on ay pinublish din sa diyaryo) na binali nito ang sarili nitong mga patakaran para mabigyan ng doctorate si Chief Justice Renato Corona. Ang daming tanong na bumabagabag sa kanila: Ano ang grappler.com? Legit ba itong website? May editors ba sila? Where do broken hearts go? (Ad lib na lang 'yung huli.)

At a loss din ako. Madali lang naman makuha ang ilang sagot sa mga tanong nila gamit ang Google. Halimbawa, tinype ko ang “rappler” at “editors” sa Google search box. Lumabas bilang sixth search result ang “About Us” page ng site in question.

Pagka-click mo, ngingitian ka agad ni Maria Ressa. Sa tabi niya, proud na proud na sinasabi ng website kung sino sila. Sa web page din na iyon, makikita sa ilalim ang listahan ng editors ng site. Tatlong uri pa nga: executive editor, managing editor at editor-at-large. Masyado ba mahirap mag-type sa Google search box, mag-click, at magbasa habang nginingitian ni Maria Ressa?

Mas at a loss ako sa hirit nilang, “Does anyone claiming to be an online journalist given the same attention as one coming from the mainstream press?" Syempre, affected ako. Feeling ko isa ako sa minamaliit nila at tinatawag na KSP.

Bagamat alam ko na karamihan sa mga online news sites ay kakabit lang ng major newspapers o television networks sa bansa, hindi naman kami nag-iimbento lang ng balita o nagfe-Facebook lang buong araw. Katulad ng lahat ng reporters, nakikipagsiksikan din kami sa mga interview at gumagawa ng matinding research. Karaniwan pa nga, kami ang unang naglalabas ng balita.

Kung sa tingin ng UST ay hindi worthy ang online media sa atensyon nila, sige lang. Wala namang kaso kung mas trip pa rin ng mga lider nila magbasa ng mga balita na sinulat gamit ang pluma at tinta sa liwanag ng lampara. Basta ang alam ko, milyon-milyong tao na sa mundo ang nagbabasa ng balita online. Sabi pa nga sa isang study, dumarami ang tao na mas nakikibalita gamit ang Internet kesa sa diyaryo.

Hindi ito atake sa mga taga-UST. Marami akong kaibigan mula doon, at may mga taga-UST din na tinitingala ko. Ito lang ang gusto kong sabihin sa kung sino man ang gumawa ng statement nila tungkol sa report na pinaboran nila sa Corona: Google is your friend.

Isa pa, hindi namin kailangan ng mas maraming tanong. Mas kailangan namin ang mga sagot.

PAHABOL: May website ang official student publication ng UST, ang "The Varsitarian." Should this be given the same attention as the mainstream press? :p

Sunday, January 1, 2012

Gunaw (The Comeback Blog Post)

Sabi raw ng Mayan calendar, magugunaw na ang mundo this year. Sa December 21 to be exact. Sa pagkatanda ko sa World History (self-study lang dahil walang dulot ang guro), sila rin ‘yung sibilisasyon na nagpa-practice ng human sacrifice. I guess may pagka-nihilist talaga itong mga sinaunang taong ito.

Wala naman silang sinabi kung paano magugunaw ang mundo. Sabi sa isang article sa Yahoo! UK, meron daw tayong five choices:

(a) tatamaan ang Earth ng isang higanteng asteroid a la ‘Armageddon’ (Kakanta rin ba ang Aerosmith ng “I Don’t Wanna Miss A Thing”? O kaya si Anne Curtis?)

(b) solar storms (Pang-matalino)

(c) pole shift (Magpapalit daw ng posisyon ang North Pole at South Pole. Change address si Santa Claus?)

(d) malalakas na pagsabog ng bulkan

(e) global warming (Masyado na raw tayo nag-iinit.)

Kung ako ang papapiliin, ang sagot ko ay: (f) None of the Above. Although mukhang may scientific basis naman itong options natin for gunaw, hindi pa rin benta sa akin itong hula ng mga Mayan. Hindi rin kasi ako naniniwala sa mga hula. Tingnan mo si Zenaida Seva, palaging napakageneric ng mga hula. Uunlad ka kung magtatiyaga ka (natural!), mapapanganib ka kung di ka mag-iingat (natural!), may mga trahedyang darating sa bansa ngayong taon (natural!!!). Mas naniniwala pa ako sa braids ni Zenaida Seva kesa sa mga hula niya. Pero at least may disclaimer siya palagi sa huli: “Hindi hawak ng mga bituin ang ating kapalaran. Gabay lamang sila. Meron tayong free will. Gamitin natin ito.”

Tsaka ang dami na ring pagkakataon na sinabing magugunaw ang mundo pero hindi naman natuloy. Nag-expect at nagmukhang tanga lang ang mga tao. Halimbawa noong 2000. Ginunaw lang ng “I Love You” virus ang mga computer natin, pero hanggang doon lang. Naluklok pa rin naman si Arroyo sa pwesto isang taon pagkatapos ng false gunaw alarm. Sa bagay, parang ginunaw na rin niya ang Pilipinas at mga institusyon nito sa nine years niya sa pwesto. Sumakit tuloy ang leeg ngayong 2011.

Pero sakaling totoo man, eh di bring it on. Eenjoyin ko na lang ang less than 12 months na natitira ng Earth sa solar system. At least makakabalik pa ang season 2 ng The Walking Dead, makakakuha pa ako ng tips kung sakaling zombie invasion ang ikagugunaw ng mundo. Aaliwin ko na rin lang ang sarili ko sa pag-cover ng impeachment trial ni Corona. Para ka na ring nanood ng circus.

Basta ngayong taon, sundin na lang natin ang payo ni Jay Sean: “Live like it’s the end of the world.” Para kung sakaling tamaan man tayo ng asteroid o sabugan ng bulkan, masaya tayong lulutang bilang abo sa outer space. Hindi na rin masama.